QR-BASED PAYMENT SYSTEM, INILUNSAD NG DTI SA MGA NEGOSYO AT MAMIMILI SA BANI

Nagsimula na ang pagpapatupad ng Paleng-QR PH Plus program sa bayan ng Bani matapos ilunsad ito ng Department of Trade and Industry (DTI) – Pangasinan Provincial Office noong Hulyo 13, 2026.

Sa isinagawang financial literacy seminar ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tinalakay ang paggamit ng digital payment systems, mga usapin sa cybersecurity, at mga dapat malaman sa pagsasagawa ng cashless transactions.

Bahagi ang Paleng-QR PH Plus ng mga programa na naglalayong magpatupad ng QR-based payment system sa mga pamilihan at komunidad.

Sa Bani, kabilang sa mga target na gumamit ng sistema ang mga mamimili at maliliit na negosyo.

Lumahok sa aktibidad ang mga market vendor, may-ari ng negosyo, tricycle drivers, QR PH merchants, at iba pang lokal na stakeholder na gagamit o makikipag-ugnayan sa mga serbisyong may kaugnayan sa digital payments.

Dinaluhan din ito ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, Sangguniang Bayan ng Bani, at mga kinatawan mula sa BSP, DTI, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Information and Communications Technology (DICT). | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments