
Nakatakdang itaas sa Red at Yellow Alert status ang Visayas Grid, dahil sa manipis na suplay ng kuryente ngayong araw.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, kasalukuyang nasa Yellow Alert status ang Visayas na magtatagal hanggang alas-5 ng hapon.
Susundan naman ng Red Alert status pagsapit ng alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
At babalik sa Yellow Alert status pagsapit ng alas-8 hanggang alas-10 ng gabi.
Ayon sa advisory, tinatayang nasa 2,318 mega watts ang available capacity at 2,431 mega watts naman ang peak demand.
Ang Yellow Alert ay itinataas kapag mas mababa ang suplay ng kuryente kaysa sa karaniwan dahil sa pagnipis ng mga reserba.
Habang ang red grid alert naman ay iniisyu kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente para punan ang demand ng mga consumer at regulating requirement ng grid.
Samantala, ang Luzon at Mindanao grid ay nasa normal namang kondisyon.










