
Nanindigan ang Malacañang na walang mali sa paglalabas ng impormasyon na inaprubahan ng Office of the President ang travel authority ni Vice President Sara Duterte para sa Japan mula Agosto 19 hanggang 24, 2026.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, inaprubahan ang travel authority noong Agosto 17, alas-12:41 ng tanghali, pero nitong Agosto 18, alas-6:07 ng gabi, natanggap ng OP ang hiling ng Office of the Vice President na kanselahin ito.
Nauna nang sinabi ni VP Sara na nagbago ang kaniyang plano at kinuwestiyon ang pagsasapubliko ng kaniyang biyahe, dahil maaari umanong malagay sa panganib ang kaniyang seguridad.
Pero giit ni Castro, public official ang bise presidente at may karapatan ang publiko na malaman ang mga biyaheng may kaugnayan sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon sa Malacañang, nasa ₱7 milyon ang ginagastos ng gobyerno para sa security at staff ni VP Duterte sa kaniyang mga biyahe kaya karapatan aniya ng mga Pilipino na malaman kung saan napupunta ang kanilang pera.










