Monday, August 24, 2026

Posibleng oil spill sa lumubog na tugboat sa Zambales, binabantayan ng PCG

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na 10 tripulante ang nasagip matapos lumubog kanina ang isang tugboat sa karagatan ng Botolan, Zambales.

Ayon sa PCG, bago mag-alas otso kaninang umaga nang hatakin na ang MTUG SL SUAL 1 na dating sumadsad pero tumagilid ito patungo sa kanang bahagi.

Ilang sandali lamang din nang tuluyang lumubog ang tug boat sa karagatan na may 24 metro ang lalim.

Nakuhanan naman sa video ang pagtalon ng mga tripulante sa kasagsagan ng paglubog nito kung saan agad din silang nasagip at nasa maayos namang kondisyon.

Sabi ng Coast Guard, nasa 15,000 litro ng krudo ang karga ng tugboat nang mangyari ang insidente habang hindi naman nasira ang tangke ng langis.

Agad namang sinuri ng PCG kung may tumagas na langis habang nakaantabay naman ang mga kagamitan kontra oil spill sakaling may makitang bakas ng langis sa tubig.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inaalam din kung tumama ang tugboat sa nakalubog na bakal kabilang ang bahagi ng isa pang sasakyang pandagat na dati nang lumubog sa lugar.

Posible ring nakaapekto rito ang malalakas na alon at maalon na kondisyon ng karagatan.

Facebook Comments