Tuesday, August 25, 2026

Red at Yellow Alert Status, itataas ulit sa Visayas Grid mamayang hapon hanggang gabi dahil sa manipis na suplay ng kuryente

Muling ilalagay sa Red at Yellow Alert Status ang Visayas Grid mamayang hapon hanggang gabi dahil sa manipis na suplay ng kuryente.

Ipinapatupad ang Red Alert kapag mas mababa na ang kabuuang suplay ng kuryente kumpara sa konsumo ng publiko, dahilan upang magkaroon ng banta ng rotational brownout kung hindi maibababa ang demand.

Ang Yellow Alert ay itinataas kapag mas mababa ang suplay ng kuryente kaysa karaniwan dahil sa pagnipis ng mga reserba.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang Red Alert ay itataas mamayang alas-5:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.

Habang ang Yellow Alert ay ipatutupad bandang alas-2:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-8:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.

Kabilang sa mga dahilan ng pagtataas ng Red at Yellow Alert ang pagpalya ng 10 planta na sa ngayon ay nasa forced outage; isang planta ang nagkaaberya noong July, tatlo noong June, pito noong May, isa noong March, tatlo noong 2025, dalawa noong 2024, dalawa noong 2023 at isa noong 2021.

May 13 planta naman ang gumagana pero nagsusuplay ito ng mas mababang kapasidad.

Kabilang pa sa mga nakadagdag sa alerto ang hindi gumaganang Visayas’ large coal plants na TVI 1, TVI 2, KSPC 1, at limitadong power import mula sa Mindanao dahil sa mataas na demand forecast sa naturang rehiyon.

Facebook Comments