Thursday, August 20, 2026

PAOCC, nilinaw na hindi target ang mga Chinese sa isang steel raid

Nilinaw ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC na ang operasyon na isinagawa sa Sanjia Steel Corporation noong Mayo sa Misamis Oriental ay hindi laban sa mga Chinese nationals.

Ang sagot na ito ng PAOCC ay para sa pahayag ng Chinese Embassy na bakit mga Chinese lamang ang hinuli at bakit tuwing Chinese ang sangkot ay nagpapadala umano ng militar ang defense secretary ng bansa.

Ayon sa PAOCC, ang nasabing operasyon ay isang inter-agency law-enforcement operation, kung saan ang mga ahensyang kasama ay kumikilos lamang sa kanilang mandato , habang ang AFP ay nagbigay ng seguridad at logistical support.

Anila, ang partisipasyon ng militar sa nasabing operasyon ay hindi dapat ma-misinterpret bilang isang military operation laban sa mga nagtatrabahong Chinese.

Dagdag pa nila, ang pag-aresto sa mga indibidwal na sangkot ay base sa legal na usapin lalo na sa pagsunod sa Philippine Immigration at Labor Laws.

Nabatid na nasa higit 60 Chinese nationals ang nahuli sa nasabing operasyon matapos mapag-alaman na mayroong radioactive materials ang nasabing steel plant.

Facebook Comments