Saturday, May 30, 2026

Blanket ban sa social media, maaaring maglantad sa mga menor de edad sa mas malaking panganib online — CitizenWatch Philippines

Nagbabala ang consumer advocacy group na CitizenWatch Philippines na ang blanket ban sa social media para sa mga menor de edad ay maaaring maglantad sa kanila sa mas malaking panganib online.

Ayon sa grupo, maaaring itulak ng malawakang paghihigpit ang mga kabataan sa hindi gaanong regulated na digital spaces kung saan mas mahina ang proteksiyon at pagbabantay.

Sinabi ni dating Quezon City lawmaker na si Kit Belmonte na bagama’t mahalagang protektahan ang mga bata online, hindi umano total ban ang tamang solusyon sa masalimuot na panganib sa internet.

Sa kasalukuyan, may hindi bababa sa 15 panukala sa Kongreso na naglalayong higpitan o ipagbawal ang paggamit ng social media ng mga menor de edad, na hango sa mga polisiya sa Indonesia at Australia.

Babala ng CitizenWatch, madaling makaiwas ang mga menor de edad sa restriksiyon gamit ang VPN, pekeng pagkakakilanlan, o paglipat sa ibang platform.

Maaari rin umanong tumaas ang panganib ng cyberbullying, panloloko, at exposure sa malaswang nilalaman.

Nagpahayag din ang grupo ng pangamba sa epekto ng total ban sa digital ecosystem, lalo na sa edukasyon, komunikasyon, online sellers, at content creators na umaasa sa social media.

Sa halip na blanket ban, isinusulong ng CitizenWatch ang “balanced and proportionate regulation” na nakatuon sa mas ligtas na default settings, mas matibay na parental controls, mas mahusay na reporting mechanisms, at pagpapalakas ng digital literacy at data privacy protections para sa mga kabataan.

Facebook Comments