
Inamin ni Senate President Alan Peter Cayetano na sa kotse niya sumakay si Senator Ronald “Bato” dela Rosa noong Lunes na muling lumitaw ang senador sa Senado.
Ang paglilinaw ay kasunod ng pahayag ni Senator Ping Lacson na ang dalawang magkapatid na senador na Cayetano ang tanging nakakaalam na papasok na sa Mataas na Kapulungan si Dela Rosa at ang naturang senador ay inihatid o nakasakay umano sa sasakyan ni Sen. Pia Cayetano.
Ayon kay SP Cayetano, nagkausap sila ni Dela Rosa at tinanong siya kung papaano makakapunta sa Senado na ikinagulat ng Senate president.
Sinabi ni Cayetano na siya mismo ang nag-alok kay Dela Rosa na sasakyan niya na ang gamitin kaya umpisa pa lang ay alam niya nang magpapakita na ito sa Senado noong Lunes.
Bago ito, ay tumayo si Sen. Pia sa plenaryo at mariing itinanggi ang naging alegasyon sa kanya ni Lacson na sumakay si Sen. Bato sa kanyang sasakyan.
Katunayan, hindi nga rin niya alam na papasok ng araw na iyon si Dela Rosa.
Agad namang humingi ng paumanhin si Lacson kay Sen. Pia at inamin ang naturang pagkakamali.










