REHISTRADONG TRICYCLEDRIVERS SA DAGUPAN, NANAWAGAN NA SUNDIN ANG IPINATUPAD NA FARE MATRIX

Nanawagan ang mga rehistradong tricycle driver sa Dagupan City sa mga pasahero na sundin ang itinakdang pamasahe batay sa fare matrix na nakapaskil sa kanilang mga tricycle.

Ayon kay Medil Lomibao, isang tricycle driver, nahihirapan umano silang maningil ng tamang pasahe dahil hindi pa alam ng ilang pasahero na ipinatupad na ang bagong pamasahe noong Enero 2026.

May ilang pasahero rin umanong hindi sumusunod sa itinakdang pasahe at nagbibigay na lamang ng halagang nais nilang ibayad.

Iginiit naman ni Lomibao na lehitimo umano ang fare matrix na nakapaskil sa kanilang mga pampasaherong tricycle, dahil ito ay mula sa lokal na pamahalaan at LTO nang iparehistro ang kanilang mga sasakyan.

Kasunod ito ng nakatakdang pagtaas ng pasahe ng LTFRB, na ayon sa mga driver ay nauna na nilang ipinatupad sa Dagupan noong Enero alinsunod sa lokal na pamahalaan.

Nanawagan ang mga rehistradong tricycle driver sa mga pasahero na iwasan ang pakikipagtalo at sa halip ay sundin ang itinakdang pamasahe.

Ayon kay Lomibao, pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan ang pamamasada kaya umaasa silang mauunawaan at masusunod ng mga pasahero ang umiiral na fare matrix. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments