
Inamin ni Senator Erwin Tulfo na masama ang kaniyang loob matapos makarating na dalawa sa tatlong senador na malapit sa kanya ang bumoto ng tutol sa pagbasura ng quo warranto case laban sa kanya.
Ang tatlong senador na pumabor sa petisyon laban kay Tulfo ay sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Camille Villar at Sen. Robinhood Padilla.
Sinabi ni Tulfo na normal na tutol sa pagbasura ng petisyon si Sen. Pia subalit hindi niya inasahan sina Sen. Camille at Padilla na boboto laban sa kanya.
Paliwanag ng senador, madalas niyang nakaka-usap ang dalawang kasamahan kung saan si Sen. Camille ay nakasama pa niya noon sa Kamara habang si Padilla naman ay halos kamag-anak niya na at “insan” pa nga ang kanilang tawagan.
Sa kabila nito ay karapatan naman nina Villar at Padilla ang pagboto kung sa tingin ng mga kasamahan na hindi siya nararapat na maupo sa Senado.
Naging makahulugan din ang post sa Facebook page ng senador kung saan na-share nito ang isang caricature na siya ang nandoon at nakatalikod habang may tatlong kamay na akmang sasaksak sa kanya sa likod na may mga pangalan nina Sen. Padilla, Sen. Villar at Sen. Pia.










