
Nagsasagawa na ng konsultasyon sa kanyang mga abogado si House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña para kaukulang legal na hakbang laban sa mga responsable sa paninira at personal na pag-atake sa kanya online man o offline.
Sang-ayon si Cendaña na bilang public official ay bahagi ng kanilang trabaho ang mga kritisismo at pagsusuri ng publiko kaya hindi sila dapat maging balat-sibuyas.
Pero giit ni Cendaña, may hanggangan ang lahat lalo na kung ginagamit ang kanyang medical condition bilang isang stroke survivor, upang sya ay ipahiya at gawing katatawanan.
Diin ni Cendaña, ang kapansanan ay hindi katatawanan at hindi dapat gawing sandata upang laitin, hiyain, o i-dehumanize ang isang tao.
Tiniyak ni Cendaña, hindi nya palalampasin ang ganitong pambabastos at ang kanyang aksyon ay hindi lang para sa sarili niya kundi para sa lahat ng stroke survivors at Persons with Disabilities (PWDs) na biktima ng pang-aalipusta, pamamahiya, at paninira ng dignidad.










