
Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government o DILG na payagang makapaglagay ng istasyon ang mga barangay tanod sa loob ng mga paaralan bilang dagdag-seguridad sa mga estudyante.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, pamilyar ang mga barangay tanod sa kanilang komunidad at maging sa mga kabataang nag-aaral dito kaya maaari silang tumulong sa pagbabantay at pagsita kung kinakailangan.
Bahagi ito ng nakatakdang kasunduan ng DILG at Department of Education (DepEd) para higpitan ang seguridad sa school premises, kasunod ng insidente ng pamamaril sa Zamboanga City.
Paliwanag ni Remulla, limitado lamang sa labas at paligid ng mga paaralan ang presensya ng mga pulis kaya nais nilang magkaroon ng karagdagang seguridad sa loob mismo ng campus.
Kasama rin sa mga hakbang na tinututukan ang pag-iwas sa bullying at iba pang banta sa kaligtasan ng mga estudyante.










