
Nahuli na ng mga awtoridad sa isinagawang hot pursuit operation ang dalawang armadong lalaking nangholdap sa loob ng isang bus sa Camarines Sur ngayong araw.
Ayon sa ulat ng pulisya ang mga nasabing suspek ay sumakay sa nasabing bus at sila ay naharang at naaresto sa kahabaan ng Maharlika Highway sa tapat ng Camp BGen. Arsenio P. Natividad, Brgy. Rosario, Gumaca, Quezon.
Kung saan isa-isang pinababa ang lahat ng mga pasahero para tukuyin ang dalawang suspek na nakasuot ng itim na mga jackets at sumbrero kung saan ang isa sa kanila ay may tatoo sa kanyang mukha.
Sa isinagawang pagkakakap ng mga operatiba sa lahat ng mga lalaking suspek, positibong natukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang mga suspek.
Narekober sa kanila ang dalawang baril na may magasin, dalawang extra na magasin, iba’t ibang currency ng pera kabilang ang ilang peso bills, at iba’t ibang uri ng alahas.
Ang mga nasabing suspek at nakuhang ebidensya ay agad na tinurn over sa kustodiya ng pulisya para sa tamang dokumentasyon at masusing imbestigasyon at sa pagsasampa ng kaukulang mga kaso.










