ROTATIONAL BROWNOUT SA DAGUPAN, NAGDULOT NG HIRAP SA MGA RESIDENTE SA GITNA NG NAKAPAPASONG INIT

Mula sa matinding init ng panahon hanggang sa biglaang rotational brownouts, paano nga ba dumidiskarte ang mga taga-Dagupan sa perwisyong dulot ng krisis sa kuryente? Hindi na lamang matinding sikat ng araw ang hinarap ng mga residente dito sa lungsod nitong mga nakaraang araw.

Bunsod ng mga nagdaang rotational power outage, matinding pasakit ang iniwan nito sa loob ng mga kabahayan, partikular na sa mga pamilyang may inaalagaang maysakit at mga bata na labis na naapektuhan ang kalusugan at pahinga sa gabi.

Dahil sa banta ng mga susunod pang interruption, tanging tradisyunal na pamaypay at masusing pag-imbentaryo ng mga emergency lights na lamang ang ginagawa nilang unahang diskarte ngayon.

Matapos dumanas ng matumal na pasok ng mga customer dahil sa dilim at kawalan ng bentilasyon, abala ngayon ang mga manggagawa sa pag-puno ng kani-kanilang mga portable cooling devices at mas maagang paghahanda ng mga alternatibong kagamitan upang hindi na muling maparalisa ang kanilang kabuhayan.

Hindi rin nakaligtas ang sektor ng mga mag-aaral na lubhang nalimitahan ang produktibidad, pananaliksik, at paggawa ng mga akademikong requirements nang maputol ang supply ng kuryente at koneksyon sa internet.

naging diskarte na ng mga estudyante ngayon ang maagang pagcha-charge ng mga gadgets at pag-download ng mga offline educational at entertainment materials.

Sa kabila nito, naghatid naman ng kapanatagan ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na naisasaayos na ang kapasidad at operasyon sa Luzon Grid.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang panawagan ng iba’t ibang sektor sa mga lokal na distributor tulad ng DECORP para sa mas maayos na abiso upang maging handa ang mga konsumidor sa anumang biglaang sitwasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments