Bunga ng pakikipagdayalogo sa mga magulang, guro, at mga opisyal ng barangay sa taunang Parent-Teacher Association (PTA) Summit, malapit nang magbukas ang bagong dalawang palapag na gusaling may walong silid-aralan at isang bagong gymnasium para sa Calmay Elementary School sa Dagupan City.
Ayon sa lokal na pamahalaan, isinakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng City Government, Department of Education (DepEd)-Dagupan City, Parent-Teacher Association (PTA), at Barangay Council.
Nabatid na sa bawat PTA Summit ay inilalatag ng mga paaralan sa lungsod ang kanilang pangunahing pangangailangan, dahilan upang maisakatuparan ang iba’t ibang proyekto tulad ng pagpapatayo ng mga bagong school building, pagsasaayos ng school site development, at pagpapagawa ng mga bakod ng paaralan.
Isa sa mga pangunahing isyung naiparating ng mga magulang at residente ang matagal nang pagbaha at pagkasira ng lumang gusali ng paaralan, kaya isinailalim ito sa prayoridad ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa walong bagong silid-aralan na kumpleto sa mga bagong mesa at upuan, magkakaroon din ng bagong gymnasium na inaasahang magbibigay ng mas ligtas at mas maayos na lugar para sa pag-aaral at iba pang aktibidad ng mga mag-aaral.
Ito na ang ikalawang school building na natapos sa Calmay, habang kasalukuyan namang isinasagawa ang ikatlong gusali bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng mga pasilidad pang-edukasyon, lalo na para sa mga anak ng mga mangingisda sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










