Salpukan ng Truck at Tractor sa Alicia, Isabela, Isa Kritikal

Cauayan City, Isabela- Kritikal ang kalagayan ng isang lalaki matapos masalpok ng truck ang minamaneho nitong tractor sa kahabaan ng Brgy. San Fernando, Alicia, Isabela.

Kinilala ang biktima na drayber ng Kubota Farm Tractor na si Roden Paguigan, 55 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Cumu, Angadanan, Isabela.

Habang kinilala naman ang drayber ng Isuzu Truck na may plakang BVN 825 na si Juanito Abat, 43 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Del Pilar, Alicia, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Alicia Police Station, parehong bumabaybay sa kalsada ang truck at tractor patungong South Direksyon.

Nasa unahan ang Farm Tractor na sinusundan ng Isuzu Truck at isa pang sasakyan.

Nang makarating sa bypass road ang mga naturang sasakyan, sinubukang mag-overtake ng Truck sa sinusundang sasakyan at Farm Tractor.

Pero nang mag-overtake ang Truck ay eksakto namang lumiko pakaliwa ang Tractor patungo sa bypass road.

Dito na natumbok ng truck ang tractor kaya sumemplang sa kalsada ang drayber ng tractor at nagtamo ng pinsala sa katawan.

Isinugod naman ng rumespondeng rescuer ng Alicia ang tsuper ng traktor sa ospital para sa kaukulang lunas.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang dalawang sangkot na sasakyan para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments