
Isinusulong ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na gawing non-bailable ang iligal na pagmagmamay-ari ng loose firearm at patawan ng hanggang 20 taong pagkakakulong.
Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City kung saan isang menor de edad ang nakagamit ng baril na naiwan umano sa loob ng sasakyan.
Naniniwala si SILG Remulla na ang mas mahigpit na parusa sa mga mahuhuling nagdadala ng loose firearm ay magkakaroon ng malawak na epekto sa mga krimen na may kinalaman sa mga baril.
Pinag-aaralan na rin umano ng congressional leaders ang panukalang pag aamyenda para mapalakas ang batas na may kaugnayan sa mga baril.
Mariing giit ni SILG Remulla, isang pribilehiyo ang pagmamay-ari ng baril at hindi karapatan, kaya dapat itong itago ng mabuti at payagang ma-inspeksyon ng gobyerno anumang oras.










