SASAKYAN NA TINANGAY SA CAGAYAN, NAREKOBER SA ISABELA

Narekober ng mga awtoridad sa bayan ng Mallig, Isabela ang isang SUV na tinangay ng mga kawatan sa Tuguegarao City kagabi.

Ayon sa nakuhang impormasyon sa Police Regional Office 2 (PRO2), matagpuan ng PNP Mallig ang inabandonang Toyota Fortuner na may plakang JES 18 sa Mallig-Delfin Albano Road, Brgy Manano, Mallig, Isabela alas 9:20 ng umaga kanina.

Base sa nakitang OR at CR ng sasakyan, positibong nakumpirma ng pulisya na ang sasakyan ay pagmamay-ari ng biktima na si Jessie Dela Cruz.

Ayon sa ulat ng pulisya, nilooban umano ang bahay ng mag asawang Mildred at Jessie Dela Cruz kung saan nalimas ng tatlong di kilalang suspek ang mga alahas, limang touch screen na cellphone at di pa mabatid na halaga ng pera bandang 10:30 kagabi, Nobyembre 19, 2022.

Sa takot naman ng biktima ay naibigay din nito ang susi ng kanilang sasakyan dahilan upang pati ito ay matangay din ng mga magnanakaw.

Armado umano ang mga suspek kung kaya’t hindi na nakapalag ang mga biktima.



Inalerto naman kaagad ng PNP Tuguegarao City ang lahat ng mga lugar na posibleng gamiting exit point ng mga kawatan na posibleng dahilan para iwan na lamang ng mga suspek ang tinangay na sasakyan sa Brgy Manano, Mallig.

Samantala, kasalukuyan pa rin tinutugis ng mga awtoridad ang mga nakatakas na suspek.

Facebook Comments