Tuesday, October 27, 2026

SC Associate Justice Rodil Zalameda, nanindigang dapat na ituring na kumilos ng may good faith ang mga opisyal sa unprogrammed funds

Iginiit ni Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda na dapat ituring na umakto nang may good faith ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagtaas ng unprogrammed appropriations, hangga’t walang patunay na kabaligtaran ang kanilang ginawa.

Inilahad niya ito sa interview ng Judicial and Bar Council (JBC) bilang bahagi ng proseso ng pagpili sa susunod na Chief Justice kung saan isa siya sa limang mahistradong sumalang dito para pumalit kay Chief Justice Alexander Gesmundo na magreretiro sa November 6, 2026.

Ayon kay Zalameda, kinilala mismo ng Korte Suprema na hindi labag sa Saligang Batas ang unprogrammed appropriations bilang budget mechanism kaya hindi dapat basta panagutin ang mga opisyal sa mga hakbang lalo’t kinilala itong constitutional.

Aniya, ipinagpapalagay na regular at naaayon sa tungkulin ang mga ginawa ng public officials, hangga’t walang desisyon ang korte na nagsasabing invalid ang mga ito.

Nilinaw rin ni Zalameda na hindi nagpasya ang Korte Suprema sa posibleng pananagutan ng mga opisyal sa kasong may kaugnayan sa unprogrammed funds, dahil hindi ito kabilang sa mga isyung iniharap sa Korte.

Gayunman, hindi siya sumang-ayon sa desisyon ng mayorya tungkol sa dagdag na ₱449.5 billion sa unprogrammed appropriations sa 2024 national budget dahil paliwanag niya ma constitutional ang nasabing dagdag kung saan standby funds ang mga ito na maaari lamang ilabas kapag may karagdagang pondong mapagkukunan.

Sa Supreme Court ruling, idineklarang unconstitutional ang naturang dagdag, gayundin ang ₱17.99 billion increase sa Special Road Fund sa 2025 budget at ilang probisyon sa pagpapalabas ng unprogrammed funds sa 2026 budget.

Facebook Comments