Saturday, July 25, 2026

Kampo ni former Speaker Romualdez, hinihiling sa BI na bawiin at ituwid ang inihayag nitong fake news na tangka umano niyang lumabas ng bansa

Iginiit ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Bureau of Immigration o BI na humingi ito ng paumanhin, bawiin at ituwid ang inihayag na fake news na may planong umano itong lumabas ng bansa.

Ayon sa tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo, ito ang laman ng liham na ipinadala kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado noong July 24, 2026 ng mga abogado ni Romualdez sa Solis Medina Fajardo & Malilong Law Offices.

Base sa liham, July 21 ng banggitin umano ni BI spokesperson Dana Sandoval ang naturang hindi totoo at misleading na impormasyon na nakakapinsala kay Romualdez at maaring makaapekto sa proseso na nakabinbin sa Sandiganbayan.

Hinihiling din ng mga abogado ni Romualdez na isapubliko ng BI ang pinagmulan ng nakalap nitong mali o hindi totoong impormasyon na may plano itong umalis ng Pilpinas.

Diin ni Atty. Fajardo, dapat magpaliwanag ang BI kung bakit nito isiniwalat ang hindi beripikadong impormasyon at dapat nitong tukuyin kung sino ang mga opisyal na nagbigay ng otorisasyon para i-release ito sa publiko.

diin ng legal team ni Romualdez, kailanman ay hindi nito tinangka na iwasan ang anumang legal na proseso dahil patuloy nitong nirerespeto ang mga institusyon ng Pamahalaan.

Nakasaad sa liham ang pagsasagawa ng legal na remedyo ng kampo ni Romualdez kung hindi tutugon dito ang BI.

Facebook Comments