Saturday, July 25, 2026

Impeachment trial ni VP Duterte, hindi pag-aaksaya ng pondo

Mariing pinabulaanan ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na pagsasayang lang ng pondo ng bayan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Diin ni Ridon, ang impeachment na proseso ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal ng gobyerno alinsunod sa Konstitusyon ay hindi pag-aaksaya ng pera.

Pahayag ito ni Ridon matapos kumalat sa social media na milyun-milyong piso ang ginagastos ng pamahalaan kada araw sa impeachment proceedings sa halip na gamitin sa serbisyo sa publiko.

Giit ni Ridon, mali at mapanlinlang ang nabanggit na impormasyon dahil ang ginagastos sa paglilitis ay bahagi ng regular na budget ng House of Representatives at Senado at walang dagdag na pondo.

Paliwanag pa ni Ridon, ang nasabing mga pondo na nakalaan sa dalawang kapulungan ng Kongreso ay hindi naman maaring ilipat sa ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development para ipantulong sa mahihirap nating kababayan.

Facebook Comments