Pinatitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga hakbang at estratehiya upang matugunan ang posibleng epekto ng El Niño, partikular sa seguridad sa pagkain, suplay ng tubig, irigasyon at kalusugan.
Tinalakay ang mga paghahanda sa ikaapat na quarter meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC ngayong 2026.
Pinangunahan ni Provincial Administrator Manuel O. Luis, Jr. ang pagpupulong bilang kinatawan ni Governor Ramon V. Guico III, na siyang tagapangulo ng konseho.
Iniulat ng Provincial Agriculture Office ang mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain, habang tinalakay naman ng National Irrigation Administration o NIA at National Power Corporation o NPC ang kalagayan ng mga sistema ng irigasyon, dam at suplay ng tubig.
Samantala, inilahad ng Provincial Health Office at Department of Education o DepEd ang mga paghahanda upang mapangalagaan ang kalusugan, kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan at mag-aaral sa panahon ng matinding init.
Kabilang din sa mga tinalakay ang paghahanda at pag-iimbak ng mga kinakailangang suplay, pagpapalakas ng social protection para sa mga posibleng maapektuhan, kahandaan ng mga ospital at serbisyong pang-emerhensiya, pangangalaga sa mga hayop at pag-iwas sa sunog.
Layunin ng mga hakbang na ito na mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa agrikultura, kalusugan, kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pangasinense, lalo na sa harap ng posibleng matinding init at kakulangan sa tubig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










