Tuesday, November 24, 2026

PAMANA DAGUPAN, IPINALIWANAG ANG ₱42 WATER RATE HIKE SA SANGGUNIAN PANLUNGSOD

Ipinaliwanag ng PAMANA Water Dagupan ang hinihinging ₱42 dagdag-singil sa tubig, kasabay ng paglalatag ng mga water system development at upgrading bilang batayan ng kanilang panukalang rate adjustment.

Ito ay matapos ang committee hearing ng Sangguniang Panlungsod noong Nobyembre 23 kung saan ipinatawag ang PAMANA kasunod ng pagtutol ng ilang konsehal sa planong water rate hike.

Ayon kay Councilor Karlos Reyna, marami sa kanilang mga nasasakupan ang nagpahayag ng pagkabahala sa dagdag-singil, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Inilatag naman ni PAMANA Water Dagupan Branch Manager Glenn Gomez ang mga isinagawa nilang proyekto upang mapabuti ang suplay, pressure at kalidad ng tubig.

Bagamat aminado silang nagkaroon ng problema sa kanilang balon, partikular sa Barangay Lucao, patuloy naman umano ang pagpapabuti ng kanilang serbisyo.

Ayon sa PAMANA, hindi na sapat ang kasalukuyang minimum charge na huling naipatupad ang pagtaas noong 2011, lalo na sa epekto ng inflation at mga gastusin sa operasyon at pagpapahusay ng water system.

Samantala, tinanong ni Councilor Jalice Cayabyab kung urgent na bang ipatupad ang rate increase at kung maaari pa itong maurong.

Sinabi naman ng PAMANA na maaari itong maipagpaliban ng isang buwan at sa Enero 2027 na lamang ipatupad, sa halip na sa naunang planong Disyembre 1.

Patuloy na nakasalalay sa magiging epekto ng dagdag-singil sa mga konsumer ang usapin, lalo na sa mahigit 33,000 aktibong koneksyon na siniserbisyuhan ng kumpanya sa Dagupan.

Samantala, nakatakda pang imbitahan at pulungin ang iba pang miyembro ng water district. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments