Anim na timbangan na hindi maayos ang pagkaka-calibrate o may depekto ang natuklasan ng Department of Trade and Industry o DTI Ilocos Sur, habang tatlong establisimyento naman ang nabigyan ng notice of violation sa isinagawang inspeksiyon sa Tagudin, Ilocos Sur noong Oktubre 15, 2026.
Bahagi ang operasyon ng Market Saturation Drive ng DTI na naglalayong matiyak ang pagsunod ng mga negosyante sa mga batas pangkalakalan at maprotektahan ang karapatan ng mga mamimili.
Ayon sa DTI, isinuko sa market inspector para sa kaukulang aksiyon ang anim na timbangan matapos matuklasang may depekto o hindi wastong naka-calibrate.
Samantala, tatlong establisimyento ang nabigyan ng notice of violation dahil sa pagbebenta ng mga produktong saklaw ng mandatoryong pamantayan ngunit walang kinakailangang certification marking.
Umabot sa 140 establisimyento ang nasuri sa isinagawang inspeksiyon, kabilang ang mga grocery, tindahan ng karne at isda, hardware at mga tindahan ng produktong agrikultural.
Layunin ng operasyon na maiwasan ang paggamit ng mga sirang timbangan at matiyak na sumusunod sa itinakdang pamantayan ang mga produktong ibinebenta sa merkado.
Muling pinaalalahanan ng DTI ang mga negosyante na tiyaking maayos at wasto ang pagkaka-calibrate ng kanilang mga timbangan, gayundin ang pagsunod sa mga kinakailangan sa product standards upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga mamimili. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










