SEMINAR KONTRA BOMB THREAT AT PAMAMARIL, ISINAGAWA SA UNIVERSIDAD DE DAGUPAN

Nagsagawa ng seminar ang Universidad de Dagupan o UdD tungkol sa bomb identification, bomb threat awareness, at active school shooting bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Student Week noong Oktubre 26, sa Leisure Coast Resort Arzadon Gym.

Layunin ng seminar na palawakin ang kaalaman ng mga estudyante sa pagkilala sa mga posibleng banta at sa wastong pagtugon sa mga emergency na sitwasyon.

Pinangunahan nina PEMS Julius Lalosin at PSSG Clark Espinosa ng City Explosive Canine Unit ang talakayan tungkol sa pagkilala sa mga kahina-hinalang pampasabog at sa tamang pagresponde sa bomb threat.

Binigyang-diin ni Lalosin na hindi dapat lapitan, hawakan, o galawin ang mga bagay na pinaghihinalaang bomba. Sa halip, kailangang agad na lumayo at iulat ito sa mga kinauukulang awtoridad.

Samantala, tinalakay naman ni Patrolman Meldrin D. Mendoza ng City Mobile Force Company ang mga hakbang na dapat gawin sa oras ng pamamaril sa loob ng paaralan. Ipinaliwanag niya ang prinsipyong “Run, Hide, Fight,” kung saan unang isinasaalang-alang ang ligtas na paglikas.

Nagkaroon din ng bukas na talakayan matapos ang mga presentasyon upang masagot ang mga katanungan ng mga estudyante at higit nilang maunawaan ang mga wastong hakbang sa oras ng panganib.

Sa pamamagitan ng aktibidad, binigyang-diin ng Universidad de Dagupan ang kahalagahan ng kahandaan, pagiging mapagmatyag, at responsableng pagkilos upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa sa loob ng paaralan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments