TOP 1 MOST WANTED SA SAN NICOLAS, PANGASINAN, ARESTADO SA TAYUG

Naaresto ng Pangasinan Second Provincial Mobile Force Company o 2nd PMFC ang isang lalaking kabilang sa Top 1Most Wanted Person ng San Nicolas, Pangasinan, na umano’y dating organizer ng New People’s Army o NPA.

Ayon sa ulat ng kapulisan, naaresto ang suspek noong Oktubre 26, 2026, sa bayan ng Tayug, Pangasinan, matapos ang masusing pangangalap ng impormasyon, pagmamanman at beripikasyon, katuwang ang iba pang law enforcement units. Nakatulong din umano ang impormasyong ibinahagi ng mga mamamayan upang matukoy ang kinaroroonan nito.

Batay sa ulat, ang suspek ay umano’y dating miyembro ng NPA at nagsilbing organizer sa ilalim ng Komiteng Larangang Gerilya o KLG sa Gitnang Luzon.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong rebelyon, paglabag sa Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, at murder.

Pinangunahan ang operasyon ng Pangasinan 2nd PMFC sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Richard Q. Agrade.

Muling hinikayat ng Pangasinan 2nd PMFC ang publiko na patuloy na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magbahagi ng mapagkakatiwalaang impormasyon para sa kaligtasan ng lahat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments