
Inanunsyo ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maglalabas bukas ng subpoena ang Philippine National Police (PNP) upang muling imbestigahan ang mga kasong extrajudicial killing (EJK) noong hepe pa ng Davao City Police at pangkalahatang pinuno ng PNP si Senador Ronald “ Bato” Dela Rosa.
Nilinaw ni Remulla na in aid of investigation at hindi pag-aresto ang pagpapatawag kay dela Rosa sa PNP.
Ayon pa kay Remulla, ang imbestigasyon ay mula sa mga kaso ng EJK na lumitaw sa imbestigasyon ng Quadcom nitong nakalipas na taon.
Hindi naman nilinaw ni Remulla kung may iba pang personalidad ang kabilang sa iimbestigahan.
Itinanggi rin ni Secretary Remulla na wala siyang impormasyon hinggil sa Red Notice ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa.
Wala rin aniyang nakakasang manhunt operation laban sa senador.
Sinabi naman ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr na pangungunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng kanilang legal team ang imbestigasyon.










