
Matapos ang anim na buwan na hindi pagpasok sa Senado ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay nagpakita ito sa sesyon ngayong hapon.
Sa gitna ng sesyon ay inanunsyo ni Senator Alan Peter Cayetano na nandito na sa loob ng Mataas na Kapulungan ang senador.
Mataas ang emosyon kanina ni Dela Rosa nang humarap sa plenaryo matapos aniya siyang harangin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa garahe sa basement ng Senado para hindi makapasok sa sesyon.
Iika-ika at may sugat sa daliri sa kaliwang kamay ang mambabatas.
Agad din namang nilapatan ng unang lunas ang senador.
Iginiit ni Dela Rosa na walang respeto sa institusyon ng Senado ang NBI at umaangal din ito dahil pinayagan ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) na makapasok ang NBI at harangin siya.
Pagalit ding sinabi ni Sen. Bato na pumasok siya dahil hinahanap siya lalo na ng media at inirereklamo na sumasahod siya kahit hindi pumapasok.










