
Mahigit dalawang buwan pa bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagdaos na ng unang pulong dito ang Senado at Kamara.
Kaninang umaga ay nagtungo si House Secretary General Cheloy Garafil kasama si Senate Secretary Mark Llandro Mendoza.
Sa panayam kay Senate Secretary Mark Llandro Mendoza, inagahan na nila ang paghahanda sa SONA ng Pangulo dahil posibleng may mangyari bago ang SONA.
Hindi man binanggit ni Mendoza, pero inaasahang iaakyat ng Kamara ang mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Mayo.
Bahagi aniya ng kanilang napagusapan ni Garafil ang seguridad at ang set-up para sa SONA kung saan simple lang ang kanilang ilalatag na paghahanda.
Batid aniya ng Kongreso na kailangan simple lang ang maging preperasyon sa SONA dahil sa matinding krisis na pinagdadaanan ngayon ng bansa.
Samantala, sinabi ni Mendoza na hindi kasama sa kanilang napagpulungan ang tungkol sa impeachment trial.










