
Mag-i-inhibit si Senate Committee on Ethics Chairman JV Ejercito kapag isinalang na ang ethics complaint laban sa kanya.
Sinampahan ng ethics complaint si Ejercito dahil sa umano’y kapabayaan at hindi agad pag-aksyon sa reklamong inihain laban kay Senator Chiz Escudero tungkol sa pagtanggap nito ng campaign donations sa isang contractor ng gobyerno.
Ayon kay Ejercito, mag-i-inhibit siya oras na ang reklamo na laban sa kanya ang tatalakayin ng komite.
May ipapalit lamang aniya sa kanya sa mayorya habang ang ethics complaint laban sa kanya ang nakasalang.
Dagdag pa ni Ejercito, maski sino man sa mga myembro na nahaharap sa reklamo ay hindi magiging bahagi ng diskusyon ng sariling kaso.
Muli pang tiniyak ni Ejercito na susundin ng komite ang proseso at walang complaint na isisingit o lalaktawan.










