Monday, April 27, 2026

Sen. Lacson, maglalabas na lang ng chairman’s progress report kaugnay sa flood control scandal

Binabalangkas na ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilalabas na Chairman’s Progress Report kaugnay sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson, hindi na niya maire-report ang partial committee report sa mga naunang flood control hearings dahil kulang ang mga lagda ng mga myembro ng komite.

At para makausad at maipagpatuloy ang pagdinig sa katiwalian, sinabi ni Lacson na kasalukuyang nagda-draft na ang BRC ng Chairman’s Progress Report.

Ilalahad aniya sa Chairman’s report ang mga natuklasan sa partial report kalakip ang mga nakalap na ebidensiya at maglalaman din ito ng visual aid para mas maunawaan ng publiko.

Dagdag ni Lacson, ang Chairman’s Progress Report ay wala ring pinag-iba sa partial report at pwede nilang ibahagi ito sa Office of the Ombudsman para magamit sa isinasagawang hiwalay na imbestigasyon sa flood control projects.

Bukas pa rin ang senador sa posibilidad na may iba pang senador na pumirma sa partial committee report upang maisulong niya ito sa plenaryo, kung saan maaari itong talakayin, amyendahan, at pagtibayin.

Facebook Comments