Monday, April 27, 2026

House Justice chair Luistro, BSP governor Remolona, AMLC chief at tatlong kongresista, sinampahan ng reklamo ng mister ni VP Sara sa QC Prosecutor’s Office

Pormal nang nagsampa si Atty. Manases Carpio ng mga reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa matataas na opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at apat na mambabatas.

Kabilang sa mga reklamong inihain ang umano’y paglabag sa Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act of 2001, Republic Act No. 1405 o Law on Secrecy of Bank Deposits, at Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act.

Partikular na pinangalanan sa reklamo sina BSP Governor Eli Remolona Jr. at AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.

Kabilang din sa mga respondent sina House Committee on Justice Chair Gerville Luistro at party-list representatives Percival Cendaña, Chel Diokno, at Leila de Lima.

Nagpasalamat lamang si Carpio sa media at hindi na sumagot sa mga tanong. Sa halip, ang kanyang abogado na si Peter Paul Danao ang humarap sa mga mamamahayag.

Ayon kay Danao, nagsabwatan umano ang mga respondent upang ilabas ang classified bank records na protektado ng umiiral na mga batas.

Iginiit din niya na napilitan si Carpio na kumilos hindi lamang upang ipagtanggol si Vice President Sara Duterte at ang kanilang pamilya, kundi para na rin umano sa proteksiyon ng buong banking system.

Dagdag pa ng kampo ni Carpio, may tamang proseso para sa pagkuha ng bank statements ng isang indibidwal, kabilang ang paghingi ng bank inquiry order sa AMLC, na umano’y hindi nasunod.

Facebook Comments