
Iginiit ni House Senior Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima na mas makabubuting tapyasan ang buwis sa mga produktong petrolyo sa halip na umasa lamang sa pamimigay ng ayuda.
Binigyang-diin ito ni De Lima matapos masawi ang isang motorcycle taxi rider habang nakapila sa Quezon City para sa fuel assistance.
Ayon kay De Lima, ipinapakita ng insidente na kailangang suriin kung epektibo ba ang pamimigay ng tulong pinansyal kumpara sa pagbawas ng buwis sa oil products.
Nilinaw ng mambabatas na hindi siya tutol sa ayuda, ngunit dapat itong maipatupad nang maayos at may sapat na konsiderasyon sa kaligtasan at kapakanan ng mga benepisyaryo.
Dagdag pa niya, dapat ding tapyasan ang excise tax sa diesel at gasolina, imbestigahan ang posibleng overpricing o kartel sa hanay ng mga oil companies, at agarang ipatupad ang mga kaukulang hakbang ng mga ahensya ng pamahalaan.










