
Kinukwestyon ni Senator Ping Lacson ang hindi pagtanggi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na mayroon silang tauhan na nagngangalang “Stephanie” na umano’y nag-alok sa kanyang tanggapan ng P5 million allocation fund.
Ayon kay Lacson, dahil sa kawalan ng paglilinaw, lalo lamang naging palaisipan sa kanya ang ginawang alok at kung umiiral ba ang ganitong gawain sa TESDA kahit pa itinanggi na noong una ni TESDA Secretary Jose Francisco Benitez na hindi niya pinahintulutan ang sinuman na mag-alok ng alokasyon sa senador.
Sinabi ni Lacson na bibigyan niya ng “benefit of the doubt” ang pagtanggi ni Benitez pero hindi siya kumbinsido lalo’t simple lang naman sana kung direktang itinanggi na wala silang ganong pangalan na tauhan.
Duda rin si Lacson na posibleng mayroon silang staff na ganoon ang pangalan at hindi ito kikilos kung walang utos mula sa ahensya na hindi naman kailangang direkta kay Benitez.
Dagdag pa ni Lacson, maaaring hindi lang siya ang politikong kinakausap kaya naman inilalantad niya ang nangyari para malinaw na tinanggihan niya ang alok na pondo.
Plano naman ni Lacson na kapag sumalang na ang budget ng TESDA sa plenaryo, ay nais niyang humingi ng paglilinaw mula sa ahensya.










