
Hinimok ng mga senador si Pangulong Bongbong Marcos na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na lubhang maaapektuhan ng Super El Niño.
Sa Senate Resolution 765 na isinusulong ng 20 senador sa pangunguna ni Senate Agriculture Committee Chairman Kiko Pangilinan, nanawagan sila sa Department of Budget and Management (DBM) at sa mga kinauukulang ahensya na gawing available ang calamity fund at quick response fund sa ilalim ng 2026 national budget.
Ito ay para sa paghahanda sa epekto ng El Niño tulad ng maagap na pamamahagi ng farm inputs, pagpapagawa ng irigasyon at water support, livestock assistance, crop insurance at food assistance sa mga magsasaka at mangingisda.
Hihikayat din ang mga ahensya ng gobyerno at ang mga local price coordination councils na bantayang maigi ang presyo ng mga pangunahing bilihin, sawatain ang overpricing, profiteering at hoarding sa mga apektado ng El Niño at magbigay sila ng update sa Senado tungkol sa paggamit ng pondo, pamamahagi ng tulong at price monioring.
Sa ilalim ng Republic Act 10121, kapag idineklara ang state of calamity ay maaaring mag-utos ang gobyerno ng remedial measures para matulungan ang apektado ng kalamidad gaya ng pagtatakda ng price ceiling.
Samantala, ang Republic Act 12287 ay maaaring ideklara ang state of imminent disaster sa mga lugar na nahaharap sa panganib tulad ng matinding tagtuyot na maaring maresulta sa malaking sakuna.










