
Handa ang Mataas na Kapulungan na sumunod sa magiging desisyon ng Korte Suprema patungkol sa mga inihaing petisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang Korte Suprema ay nakatakdang magdesisyon kung aatasan ang Senado na mag-convene bilang impeachment court para ituloy o hindi ang paglilitis sa impeachment case ni Duterte.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, kung siya ang tatanungin ay dapat na sumunod ang Senado sa magiging pasya ng Korte Suprema bilang general rule.
Magkagayunman, sakaling may myembro ng Mataas na Kapulungan ang kukwestyon sa desisyon ng Korte Suprema ay saka ito pagbobotohan kung saan maaaring katigan o baliin ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman.
Inihalimbawa ni Escudero ang nangyari noon kung saan nag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema at iniutos na huwag nang ituloy ang impeachment laban kay dating Chief Justice Hilario Davide Jr. pero ito ay hindi sinunod ng Kamara.
Sa huli, pinagbotohan ito ng mga kongresista subalit hindi naman nakakuha ng sapat na 1/3 na boto kaya hindi rin natuloy ang pagpapatalsik sa dating chief justice.