Friday, June 19, 2026

Senado, pinaghahandaan na ang logistics at security para sa gaganaping impeachment trial sa July 6

Pinaghahandaan na ng Senado ang logistics at security para sa gaganaping impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa July 6.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, hindi naman gagastos ng malaki ang Senado sa gagawing paglilitis sa bise presidente dahil hindi naman ito gagawin sa ibang lugar at nakikita lang niyang magiging dagdag na gastos ay sa pagkain at seguridad.

Gayunman, isa sa nakikitang malaking hamon para sa mataas na kapulungan ay ang logistics dahil maliit at limitado ang space sa Senado.

Aminado si Gatchalian na mahirap ang paghahanda sa logistics dahil ang bawat prosecution at defense panel ay mangangailangan ng sariling mga kwarto para sa mga staff at sa dagdag na media na magcocover.

Isa rin aniya ang pagtiyak sa seguridad sa pangunahing concern dahil sa ilalim ng Konstitusyon, bukas sa publiko ang paglilitis at ito ay isang security hazard na kailangang mapaghandaan.

Regular din ang pakikipag-ugnayan ng Senado sa mga otoridad gaya ng AFP, PNP, BFP, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), MMDA at sa LGU para sa pagtiyak ng seguridad habang papalapit ang impeachment trial.

Facebook Comments