
Naniniwala si Senate President pro-tempore Ping Lacson na malabong suportahan ng militar ang isang panibagong “people power revolution” sa gitna ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng dalawang pinakamatataas na lider ng bansa.
Inamin ni Lacson na may nakalap siyang impormasyon na ilang retiradong opisyal ang nagsisikap na makakuha ng suporta mula sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa tingin ni Lacson, may mangilan-ngilan na nare-recruit ng mga taga-labas subalit sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ay wala siyang ganitong namo-monitor.
Binigyang-diin ni Lacson na malabong magtagumpay ang ganitong layunin sa AFP dahil professional ang mga sundalo at wala siyang nakikitang mabigat na rason para magkaroon ng military junta o panibagong People Power Revolution.
Ang tiyak lamang aniya sa ngayon ay may pagtatangka ng People Power sa militar at karamihan ay mga nasa labas o mga retiradong opisyal.










