
Naniniwala si Senator Risa Hontiveros na hindi sapat ang Reproductive Health (RH) Law para tugunan ang suliranin ng bansa sa tumataas na kaso ng teenage pregnancy.
Taliwas ito sa pahayag ni Health Secretary Ted Herbosa na sapat na ang RH Law para maibaba ang mga kaso ng laganap na maagang pagbubuntis sa bansa.
Iginiit ni Hontiveros na nasa ilalim pa rin ng national emergency ang problema ng pagtaas ng kaso ng adolescent pregnancy at pinapalakas ng inihain niyang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill ang Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law.
Binigyang-diin ng mambabatas na sa gusto man natin o sa hindi, may mga kabataan talagang sexually active na at may mga kasalukuyan na ring hinaharap ang kinahinatnan ng maagang pagbubuntis.
Ito rin aniya ang dahilan kaya ipinasa ang HIV Law kung saan nakasaad na ang mga adolescents ay maaaring maka-access sa HIV testing at gamutan kahit walang consent mula sa mga magulang.
Kinikilala rin ng batas na Raising the Age of Sexual Consent Law na ang mga adolescent na edad 16 taong gulang ay maaaring magbigay ng pahintulot kaya dapat lamang bigyang pagkilala ang kanilang kakayahan na magdesisyon sa sariling kalusugan.