
Nakaligtaan umano ni Senator Rodante Marcoleta na itanggi ang hininging allocables sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa post ni Lacson sa kaniyang social media account, sinabi nito na hindi naman tahasang itinanggi ni Marcoleta ang ₱500 million allocables para sa mga proyektong pang-imprastraktura na hiningi sa nasabing ahensiya.
Para kay Lacson, nag-ingay lamang si Marcoleta pero wala namang itong paglilinaw na ginawa.
Nito lamang Martes ay nagbigay ng privilege speech si Lacson kaugnay sa mga ebidensya at rekomendasyon ng Blue Ribbon Committee tungkol sa umano’y flood control scam.
Sa presentasyon ng senador ay makikita sa slide ang isang sulat-kamay na note ni yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kung saan may ₱500 million na hiling na allocables si Marcoleta mula sa ahensiya.
Matapos nito ay agad ding nag-privilege speech si Marcoleta para almahan ang pagsama ni Lacson sa kanyang pangalan sa presentasyon ng flood control anomalies pero hindi naman pinabulaanan ang alegasyon.
Nilinaw naman ni Lacson na hindi masama ang allocables at magkakaroon lamang ng pag-iimbestiga kung mayroong katiwalian sa paggamit ng pondo.










