
Ipinagpaliban ng Sandiganbayan 3rd Division ang paglalabas ng desisyon sa hiling para sa makapagpiyansa si dating Senador Bong Revilla Jr. at ng anim niyang kasama sa kasong malversation.
May kinalaman ito sa P92.8 milyon umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ang kumpirmasyon ng pagkaantala ng 30-araw ay kinumpirma ng kampo ni Revilla sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Reann Balisi.
Ayon sa Sandiganbayan Third division, ang delay ay dahil sa mga karagdagang mga pleadings na isinumite ng mga akusado at ang patuloy na pagsusuri sa mga ebidensya at transcript ng pagdinig.
Kahit nakapagpiyansa na si Revilla ng P90,000 para sa hiwalay na kasong graft, nananatili itong nakakulong dahil hindi pa nareresolba ang petisyon sa non-bailable na kasong malversation.
Kabilang sa mga co-accused ni Revilla sa kaso ay pawang mga Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office officials na sina dating Engr. Brice Hernandez at iba pa.
Kung pagbibigyan ang piyansa, magtatakda ang korte ng halaga para sa pansamantalang kalayaan ng dating senador at kung ibabasura, mananatili silang nakadetine habang nililitis ang kaso.










