
Pinuri ni Senator Ping Lacson ang mga kapwa senator-judges sa pagiging mahinahon mula pa noong Day 1 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Hindi man pinangalanan pero may tinukoy si Lacson na isang kasamahang senator-judge na nagkaroon ng mahabang lecture sa umpisa pa lang ng paglilitis.
Kung matatandaan naman, halos isang oras ding kinwestyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang validity ng pagkakatalaga kay Senator Chiz Escudero bilang presiding officer.
Nakuntento naman si Lacson sa naging usapin tungkol sa 2/3 o 16 na boto para mahatulan si Bise Presidente Duterte matapos linawin ni impeachment court presiding officer Chiz Escudero na “justiciable controversy” o ito ay usapin na maaaring dinggin at resolbahin ng Korte Suprema sakaling may kumwestyon dito.
Naunang sinabi ni Lacson na kinailangan niyang humingi ng paglilinaw sa isyu ng voting threshold kung ito ay sariling legal na opinyon ni Escudero o isa nang pasya ng impeachment court.
Paglilinaw pa ni Lacson, hindi siya tutol na dapat may 16 na boto para mapa-convict si VP Sara dahil nananatili pa rin namang 24 ang bilang ng mga senador.










