Monday, April 20, 2026

Senador, umaasang may mapapanagot at makakasuhan sa inaasahang pagharap ni Zaldy Co sa senado

Umaasa si Senator Erwin Tulfo na sa pagbabalik bansa ni dating Congressman Zaldy Co ay matatapos na rin ang imbestigasyon ng Senado at may mga sangkot na masasampahan ng kaso.

Ito aniya ay para matutukan na rin ng pamahalaan ang iba pang mabibigat na problema ng bansa lalo’t may tensyon pa rin sa gitnang silangan.

Kasabay nito ay iginiit ni Tulfo na habang prayoridad ng gobyerno ang pagbibigay-solusyon sa krisis, tungkulin din ng pamahalaan na singilin ang mga may pananagutan sa ginawang katiwalian sa flood control projects.

Bagama’t batid ng senador na dapat unahin ang epekto ng gyera sa Middle East partikular sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis, hindi naman dapat kalimutan ang mga tunay na sangkot sa hindi tamang paggamit ng flood control funds.

Binigyang-diin naman ni Sen. Erwin ang paglalatag ng kongkretong plano para sa nakaambang na krisis sa enerhiya habang sabay na sinosolusyunan ang naging problema sa flood control projects.

Facebook Comments