
Pahaharapin sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Congressman Zaldy Co kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa katiwalian sa mga flood control projects.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na nadakip si Co sa Czech Republic.
Ayon kay Ping Lacson, Chairman ng komite, agad na padadalhan ng imbitasyon o summons si Co sa unang pagkakataon na maaari itong humarap.
Gayunman, nilinaw ni Lacson na dadaan pa ito sa legal na proseso, dahil may nakabinbing kaso at warrant of arrest mula sa Sandiganbayan laban sa dating mambabatas.
Matatandaang naisyuhan na rin ng show cause order si Co noong Enero matapos itong hindi sumipot sa mga naunang pagdinig sa kabila ng mga ipinadalang imbitasyon at subpoena.
Sa ngayon, kinukumpleto pa ng komite ang mga lagda para sa partial committee report na nagrerekomendang imbestigahan si Co at iba pang sangkot sa umano’y pang-aabuso sa pondo para sa flood control projects.










