
Tiwala si Senate President pro-tempore Ping Lacson na matatag ang liderato sa ilalim ni Senate President Tito Sotto III.
Sa gitna na rin ito ng inaasahang pag-akyat sa Senado ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, may impeachment trial man o wala ay talagang may magtatangka ng leadership change.
Hindi aniya mawawala ito lalo na tuwing naka-break ang sesyon dahil sa ganitong panahon nangyayari ang pag-plot ng kudeta.
Sa kabilang banda, nakatitiyak si Lacson na nananatiling solid ang majority bloc dahil maayos naman ang pamamahala ni Sotto.
Katunayan, sinisimulan na nila sa mayorya ang crash course o briefing sa mga legal matters tulad ng Rules of Court at Revised Rules on Criminal Procedure bilang paghahanda sa posibleng pag-transmit ng impeachment case laban kay VP Sara.
Sumasailalim na rin aniya siya sa konsultasyon sa mga retiradong mahistrado at mga legal experts upang matiyak na ang magiging paglilitis ay naaayon sa Konstitusyon.










