
Sa Lunes na lamang dedesisyunan ng Senate Impeachment Court ang oral arguments ng prosecution panel at defense team kaugnay sa pagpapasubpoena sa mga tax records, bank accounts at Anti–Money Laundering Council (AMLC) records ni Vice President Sara Duterte at Atty. Mans Carpio.
Matapos ang isinagawang caucus ngayong hapon, sinabi ni presiding officer Chiz Escudero na napagkasunduan nilang mga senator-judges na sa Lunes na lamang desisyunan ang oral arguments para mapag-aralan nila ang mga kumplikadong isyu at argumentong inilatag ng dalawang kampo.
Samantala, winithdraw ng prosekusyon at hindi na pahaharapin sa senate impeachment court ang lima sa kanilang mga natitirang testigo sa Article 4 o ang pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos at sa pamilya nito.
Tinukoy ni lead prosecutor Congw. Gerville Luistro ang mga testigong hindi na pahaharapin kabilang ang kinatawan mula sa PNP Firearms and Explosives Office, ang dalawang journalist na sina Mikhail Flores at Bonz Magsambol, Sheriff Abe Andres, ang family member ng biktima ng threat ni VP Sara at ang Psychiatrist na hindi pinangalanan.
Naniniwala si Luistro na sapat na ang mga naging testimonya sa Article 4 nina NBI Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc para patunayan ang banta at authenticity ng video kung saan sinabi ni VP Sara ang threat sa Pangulo.
Samantala, si NBI Director Melvin Matibag, huling testigo ng prosekusyon sa Article 4 at pinahaharap ito sa Martes, July 21.










