Wednesday, July 15, 2026

Pagpresenta sa impeachment trial ng bank at tax records, hindi dapat harangin kung wala namang itinatago si VP Duterte

Pinuna ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang patuloy na pagharang ng defense team na maipresenta sa impeachment trial ang bank, Anti-Money Laundering Council (AMLC), and Bureau of Internal Revenue (BIR) records ni Vice President Sara Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio.

Ang nabanggit na mga dokumento ay hinihiling ng prosecution sa impeachment court na ipa-subpoena bilang mga ebidensya sa ikalawang article of impeachment hinggil sa pagkakaroon umano ni VP Sara ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi idineklara sa kanyang statement of assets, liabilities and networth o SALN.

Diin ni Ortega, simple lang ang tanong ng ordinaryong Pilipino: Kung walang itinatago, ay bakit takot si VP duterte na mailabas ang kanyang bank records at mailabas ang katotohanan.

Ipinunto ni Ortega na dapat hayaan ng depensa na ebidensya mismo ang magsalita kung ang kanilang argumento ay wala namang mapapatunayan ang mga bank records, AMLC reports, at tax records.

Paalala ni Ortega, ang impeachment ay hindi para protektahan ang mga dokumento kundi para protektahan ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno.

Facebook Comments