Wednesday, July 15, 2026

Planong pag-imbestiga ng NBI sa 2019 Sea Games, inalmahan ng ilang senator-judges

Pumalag ang mga senator-judges na kasapi ng minority bloc sa Senado sa balak na pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation (NBI) sa 2019 South East Asian Games (SEA Games).

Inanunsyo ni NBI Director Melvin Matibag ang P10 billion unliquidated funds sa 2019 SEA Games kung saan noong panahon na iyon ay Chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee si Senator-judge Alan Peter Cayetano.

Bago magsimula ang oral arguments para sa subpoena ng tax at bank records ni VP Sara at asawa nitong si Atty. Mans Carpio, tumayo si Cayetano at tinanong kung ang intensyon ba ng pagsiyasat ng NBI ay para magdulot ng chilling effect sa kanilang mga senator-judges para sa nakatakdang pagharap ni Matibag sa Lunes sa impeachment trial.

Iginiit ni Cayetano na binabawasan talaga sila lalo’t ang mga kaalyado na sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Rodante Marcoleta ay nahaharap na sa kaso at naka-detain na ngayon.

Bukod dito, nababahala aniya siya na wala si Marcoleta dahil iilan na lamang din silang mga mambabatas na abogado kung saan tinukoy niya sina presiding officer Chiz Escudero, Senator-judge Kiko Pangilinan, Senator-judge Pia Cayetano, habang nagtapos ng law si Senator-judge Imee Marcos at nasa 2nd year ng kanyang law school si Senator Bam Aquino.

Umalma naman si Senator-judge Pia Cayetano na huwag payagan ng impeachment court na sindakin ni Matibag ang mga senator-judges sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso.

Duda si Sen. Pia na ang layon ng pagpapa-imbestiga ni Matibag sa 2019 SEA Games ay para ma-distract ang minority leader hanggang siya na lamang ang matira.

Bago ito ay unang tumayo kanina si Senator-judge Robinhood Padilla at nagtanong kung dapat ba silang mangamba dahil lahat ng nangyayari ngayon sa kanilang bloke na ipinapakulong ang ilang myembro ay sakto naman sa impeachment trial na mangangailangan ng botohan mula sa mga senator-judges para sa acquittal o conviction kay Vice President Sara Duterte.

Si Matibag ay nakatakdang humarap sa impeachment trial sa Lunes para tumestigo sa Article 4 o ang grave threats ni VP Sara laban kina Pangulong Bongbong Marcos, FL Liza Araneta-Marcos at dating House speaker Martin Romualdez.

Facebook Comments