Friday, July 10, 2026

Ex-NBI Chief Jaime Santiago, handang tumestigo sa impeachment trial ni VP Sara

Kahit wala pang subpoena, handa umanong tumestigo si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago sa Senado kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Partikular sa usapin ng umano’y pagbabanta nito kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagdinig nitong Miyerkules, kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang ilang umano’y kakulangan sa isinagawang imbestigasyon ng NBI sa pamamagitan ng pagtatanong kay Senior NBI Agent John Mark Calilung, ang lead investigator sa kaso.

Gayunman, tumanggi si Santiago na magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa imbestigasyon.

Pinamunuan ni Santiago ang anim na miyembrong panel ng NBI na nagsiyasat noong 2024 at 2025 sa mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.

Sinabi nitong kumuha siya ng isang assassin upang paslangin ang pangulo, ang first lady, at si Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

Ang naturang pahayag ang naging batayan ng Article IV ng Articles of Impeachment na kasalukuyang dinidinig ng Senado bilang impeachment court.

Isa sa mga isyung lumutang sa pagdinig ay ang kawalan ng affidavit mula sa mga umano’y target ng pagbabanta.

Ipinaliwanag naman ni Calilung na ang imbestigasyon ay isinagawa ng NBI sa sarili nitong inisyatiba o motu proprio.

Facebook Comments