Friday, May 1, 2026

Social services program, hiniling ng isang senador na mas palawakin pa sa gitna ng patuloy na epekto ng energy crisis

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang gobyerno na palawakin ang mga social services program para paigtingin ang proteksyon sa mga Pilipino mula sa epekto ng krisis sa enerhiya na dulot ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa Araw ng mga Manggagawa, binigyang-diin ni Hontiveros na bukod sa sapat na sahod ay kailangang maibigay din ng pamahalaan ang mas maayos na serbisyo sa publiko para maibsan ang mabigat na pinapasan ng mga kababayan.

Punto ng senadora, magkukulang at magkukulang ang sahod ng mga manggagawa kahit ilang beses pa na taasan kung ang kasabay naman nito ay pagtaas din sa presyo ng pagkain at pamasahe.

Inirekomenda ni Hontiveros na gawin ng pamahalaan ay ilipat ang P30 billion na pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at ibigay ito sa service contracting program ng Department of Transportation (DOTr) upang matiyak na ang mga driver ng bus at jeep ay mayroong kikitain at magtutuloy-tuloy ang pamamasada.

Gayunman, Marso pa sumulat ang mambabatas sa Department of Budget and Management (DBM) para sa posibleng paglipat ng pondo ng AICS patungong service contracting subalit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang natatanggap na sagot.

Facebook Comments